Ito ay makaraang ihayag ni Rep. Wilfredo Villarama ng Bulacan na nangako ang Pangulong Arroyo sa mga opisyal ng shipping companies na aalisin nito ang itinaas na cargo handling fees simula ngayong araw na ito.
Dahil dito, nangangamba ang mga manggagawa sa mga daungan, partikular sa Manila North at South Harbor na mawalan ng trabaho sa sandaling pagbigyan ang panawagan ng mga local shipping giants na huwag munang ipatupad ang sampung-porsiyentong taripa.
Ayon kay Benjamin Akol, pangulo ng Philippine Chamber of Arrastre and Stevedoring Operators (PCASO), hindi makatao ang hiling na rollback ng domestic shipping operators, importers at exporters dahil mangangahulugan ito ng kawalan ng sahod at benepisyo, gayundin ang kasanayan para sa mga estibador at arastre.
Naniniwala naman si National Federation of Labor Unions (NAFLU), vice-president Manuel Arias na milyun-milyong halaga ang mawawala sa kita ng pamahalaan kapag tuluyang bumagsak ang koleksyon ng mga daungan sa bansa dulot ng hindi pagpapatupad sa karagdagang singil sa taripa.