Ayon kay NCRPO Director General Edgardo Aglipay na bagamat hindi aabot sa 10,000 ang mga pulis na kanilang ide-deploy sa Kamaynilaan, sinabi nito na malaking bilang ng police force ang naatasan na sumubaybay sa kapayapaan.
Mahigpit ding ipapatupad ang "no permit, no rally policy" para sa ibat ibang grupong magsasagawa ngayon ng kani-kanilang mga programa.
Kaalinsabay nito, pinaghahanda naman ng Justice Department ang kanilang mga piskal upang magbantay sa mga kasong posibleng isagawa ng mga raliyista bukas. Sa kabila ng pagiging holiday ng May 1, sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na inatasan niya ang mga piskal sa ibat-ibang panig ng Metro Manila na huwag munang umuwi sa kani-kanilang probinsiya at mag-antabay sa mga aktibidad bukas.
Ayon kay Perez, hindi bababa sa walong piskal ang kanyang inatasang magbantay sa Camp Crame para sa inquest cases.
Mahigpit naman ang pagbabantay.
Mahigpit pa rin ang ginagawang pagbabantay sa makasaysayang EDSA Shrine upang pigilang makapasok ang anumang grupo ng raliyista, gaya ng naganap noong nakalipas na taon.
Pangungunahan ng mga militanteng grupo at grupo ng mga manggagawa ang isasagawang nationwide protest aty noise barrage na umanoy panimula ng kanilang protesta laban sa administrasyon ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sa Maynila, sinasabing tanging ang grupo pa lang ng Peoples Movement Against Poverty (PMAP) at Kilusang Mayo Uno ang siyang nabibigyan ng permit para sa pagdaraos ng rali.
Batay sa pagkakaapruba, ang KMU ay magrarali sa Bonifacio Shrine mula alas-3 hanggang alas-5 ng hapon, habang ang PMAP naman ay gagamit ng Chino Roces Bridge (dating Mendiola) mula alas- 8 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon. (Grace Amargo, Danilo Garcia, Angie dela Cruz at Andi Garcia)