Sinabi ni Acting Press Secretary Silvestre Afable na ibibigay din ang due process sa kaso ni Lumbao.
Ang pahayag ng Malacañang ay tugon sa reklamo ng Peoples Movement Against Poverty (PMAP) na umanoy pinag-iinitan ng pamahalaan si Lumbao at may ipinatutupad na diskriminasyon sa pagitan ng mga mahihirap at mayayaman.
Inihalimbawa ang pagpayag na makapag-piyansa sina dating Senador Ernesto Maceda at Juan Ponce Enrile na may kaso ring rebelyon, subalit tinanggihan naman si Lumbao.
Sinasabing nanatiling nasa Camp Crame Hospital si Lumbao matapos itong isugod kamakalawa ng gabi nang biglang tumaas ang presyon ng dugo.
Kasabay nito, nilinaw din ng Malacañang na hindi pipigilan ang ilulunsad na kilos protesta ng PMAP lalo na sa paggunita sa Labor Day o Edsa 3, gayunman ipinaalala nito na may limitasyon sa mga demonstrasyon na dapat maging payapa. (Ulat ni Ely Saludar)