Ayon kay SPO4 Leonardo Timtiman, hepe ng Makati Police Homicide Division na ang .38 cal Smith and Wesson pistol ay itinurn-over na kahapon sa tanggapan ng Supt. Jovito Gutierrez, chief of police sa Makati.
Isang Ferdie Estrella, na sinasabing chief of staff ni Makati Vice-mayor Ernesto Mercado ang nagdala ng naturang baril sa hepe ng pulisya, isang araw matapos na iulat ng mga police investigator na nawawala ang nasabing baril na ginamit sa pagpapakamatay ni Raquel Ambrosio, 24.
Magugunitang inihayag din ng mga pulis na nalinis na ng housemaid ang kuwarto ng nasawi matapos ang naganap na pagbabaril nito. Hindi rin nakuha ang baril sa kuwarto nito sa 28th floor ng Peak Tower sa Salcedo Village, Makati.
Isinumite na ng Makati Police sa PNP firearms licensing division sa Camp Crame ang baril para alamin kung kanino nakarehistro ito.
Bagamat hindi binabalewala ng pulisya ang anggulo ng foul play, sa kasalukuyan ay walang matibay na ebidensiya ukol dito.
Magugunitang sa inisyal na ulat, sinasabing sumama ang loob ni Ambrosio kay Mercado matapos na hindi payagan ng huli ang una na magtungo ito sa probinsiya.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon tungkol dito. (Ulat nina Marvin Sy at Lordeth Bonilla)