Bitay hatol sa killer ng abogado ni Jalosjos

Hinatulan kahapon ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) ng parusang kamatayan ang isang driver na pumatay sa sarili niyang amo na dating abogado ni dating Rep. Romeo Jalosjos, isang taon na ang nakakaraan sa San Juan.

Bukod sa parusang kamatayan, inatasan din ni Judge Lelli Acebo ng Branch 163 ang akusadong si Elberto Tubongbanua na bayaran ang pamilya ng kanyang nabiktima na si Atty. Evelyn Kho ng halagang P800,000 bilang kabuuang danyos.

Nagdesisyon si Acebo laban sa akusado makaraang bigyang halaga ang testimonya ng walong saksi kabilang na dito ang pahayag ng katulong na si Marissa Hiso tungkol sa naganap na krimen noong nakalipas na Pebrero 12, 2001 sa loob ng bahay ng biktima sa 1702 Platinum 2000, Annapolis St., San Juan.

Sa testimonya ni Hiso, narinig umano niya na nagtatalo ang mag-among Kho at Tubongbanua dakong alas-6 ng gabi. Ilang sandali pa ay narinig niya ang kanyang amo na nagsisisigaw at nang kanyang tingnan ay nakita niya ang akusado na sunud-sunod na inuundayan ng saksak ang naturang abogado.

Tinangka umano niyang awatin ang suspect na hindi naman nagpapigil. Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspect.

Kinabukasan nadakip ng pulisya si Tubongbanua sa Calapan, Oriental Mindoro na kanyang pinagtaguan.

Sa kanyang depensa, sinabi ni Tubongbanua na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili makaraang tangkain ng kanyang amo na siya ay saksakin. Naagaw lamang umano niya ang patalim at aksidenteng nasaksak niya ito.

Gayunman, sinabi ng korte na ikinatwiran lamang ito ng akusado para mapababa ang hatol sa kanya.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments