Frat war: 1 patay, 2 sugatan

Isang 14-anyos na binatilyo ang napatay, samantalang dalawa pa nitong barkada ang malubhang nasugatan makaraang paulanan ng bala ng baril ng kalabang grupo ng fraternity, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Hindi na umabot pang buhay sa Jose Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tama ng bala na tinamo sa ulo at katawan ang biktimang si Reynaldo Ortiz ng Phase 1, Block 33, Lot 4 Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Ginagamot naman sa nabanggit na pagamutan ang dalawa pa niyang kaibigan na sina Jun Rey Nuesco, 14 at Jose Martel Santiaguel, 12.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan City police, dakong alas-9 ng gabi ng maganap ang insidente habang ang biktima ay nakikipagkuwentuhan sa kanyang mga kaibigan sa terrace ng kanilang bahay.

Bigla umanong dumating ang limang kabataan na pinaniniwalaang miyembro ng ‘Salubong Tribe’ na sinasabing kalabang fraternity ng mga biktima at ang mga ito ay armado ng hindi pa matiyak na kalibre ng baril. Tumapat ang mga ito sa terrace ng bahay at saka pinaulanan ng putok ng baril ang grupo ng mga biktima.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments