Ayon kay WPP director senior state prosecutor Leo Dacera, nagpalabas na si Justice Sec. Hernando Perez ng department order para isailalim sa masusing imbestigasyon ang suspek na si WPP security officer Gerry Lintan alyas Rustom Yap hinggil sa umanoy panggagahasa sa isang ginang na nakatira sa QC safehouse ng DOJ.
Sa sinumpaang salaysay ng biktima na itinago sa pangalang Babes, 28, ginahasa umano siya ni Lintan dakong ala-una ng hapon noong Marso 26 sa loob ng kanyang safehouse habang nagtitimpla ang biktima ng gatas ng kanyang 4-anyos na anak.
Ayon kay Babes, sinuntok umano siya sa sikmura ng suspek kaya hindi siya nakapanlaban at hindi rin anya marinig ang kanyang sigaw dahil sa lakas ng pagpapatugtog ng VCD ng suspek.
Naulit ang tangkang pang-aabuso sa biktima ng suspek noong Marso 28 dakong alas-2 ng hapon habang palabas umano siya ng banyo nang hilahin siya ng suspek sa may lababo, pero di nagtagumpay ang suspek ng makakuha ng kutsilyo ang biktima.
Batay sa rekord ng WPP, ang biktima ay pinadalhan na ng termination letter ng DOJ noon pang Marso 4 dahil na rin sa resulta ng imbestigasyon ng WPP na hindi nanganganib ang buhay nito kaya maaari na itong palabasin ng nasabing safehouse., ngunit hindi agad umalis ang biktima at nagsumite ng motion for reconsideration upang hindi ito paalisin.
Si Babes ay testigo sa isang krimen kung saan napatay ang kanyang ama sa kanilang lugar sa Pangasinan noong Disyembre 2001.
Ayon pa kay Dacera, pinag-aaralan pang mabuti ng WPP kung maaari din na mabigyan ang biktma ng halagang P20,000 bilang huling allowance.
Samantala, sinuspinde na ng DOJ si Lintan at inilipat sa Cordillera bunsod ng nasabing reklamo laban dito. (Grace Amargo/Ellen Fernando)