Ito ang lumabas sa pag-aaral ng Greenpeace International na inilunsad noong 1999 sa pangunguna ng mga international scientist.
Ayon sa pag-aaral na ito, naapektuhan na ng matinding polusyon ang gatas ng mga ina partikular na ang mga nagpapasuso ng bata na naninirahan sa Metro Manila dahil sa tindi ng polusyon sa nabanggit na lugar.
Sinabi ni Von Hernandez, convenor ng Greenpeace, nangolekta ang kanilang mga siyentipiko ng breastmilk ng mga Pinay at lumabas sa pag-aaral na mataas ang level ng pollutants na tinatawag na dioxins dito.
Kasama sa mga dioxins na natagpuan sa nakolektang gatas ng mga ina ang polychlorinated biphenyls, DDT at ultratoxic furans na pawang nagdudulot ng cancer.
Nakumpirma din sa pag-aaral na ang mga nakakalasong dioxins na ito ay naipasa na ng mga ina sa kanilang mga pinasusong anak.
Naalarma dito ang Greenpeace dahil ayon kay Hernandez masyadong mataas ang level ng dioxins na kanilang nakita sa breastmilk samples kumpara sa allowable limit dito ng World Health Organization.
Dahil dito, iginiit ng grupo sa mga mambabatas na ratipikahan na ang Stockholm treaty na magbabawal sa ibat ibang bagay na pinagmumulan ng polusyon. (Ulat ni Angie dela Cruz)