Sa isang memorandum na ipinalabas ni Undersecretary Ramon Bacani, nakatanggap ang DepEd Central Office ng napakaraming reklamo buhat sa mga magulang ng mga mag-aaral na hindi na nabibigyan ng kanilang mga report cards.
Hinihinging kapalit umano ng mga guro at prinsipal ang buong kabayaran sa mga school fees tulad ng PTA collection at iba-ibang mga tikets.
Nilinaw ni Bacani na patuloy pa rin ang alituntunin ni Roco na ipinagbabawal ang puwersahang paniningil ng mga school fees at walang basehan ang pag-iipit ng mga report cards ng mga mag-aaral na hindi makayang makabayad dahil sa kahirapan.
Mahigpit na ipinag-utos ni Bacani ang agarang pagpapalabas ng mga report cards ng mga mag-aaral lalo na sa mga aakyat sa high school at kolehiyo. Nanawagan din ito sa mga magulang na patuloy na iulat sa mga district at regional offices at sa Central Office ang mga guro at prinsipal na patuloy na nanghihingi ng school fees na parang ransom upang makuha ang mga reports cards ng mga mag-aaral. (Ulat ni Danilo Garcia)