Thailander nagbaril sa sarili

Isang 62-anyos na negosyanteng Thailander na umano’y isang casino financier ang iniulat na nagpatiwakal sa pamamagitan nang pagbaril sa sarili kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Luprawat Yupin Lao, 62, ng 128 Mariposa St., ng nabanggit na siyudad.

Ang labi ni Yupin Lao ay nadiskubre sa gilid ng kanyang kotseng Toyota Corolla na may plakang WBF-373 na may tama ng bala ng baril sa kaliwang sentido.

Ayon sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong alas- 4:30 ng madaling araw sa may Mariposa St., Cubao, Quezon City.

Nabatid sa pahayag ni Barangay Captain Emmanuel Gozon ng Brgy. Bagong Lipunan na natuklasan ang bangkay ng dayuhan makaraang makarinig sila ng putok ng baril malapit sa naturang lugar.

Nang magresponde ang mga kagawad ng barangay ay natagpuan ang nakahandusay at duguang katawan ni Yupin Lao.

Narekober din ang isang kalibre .38 baril na sinasabing ginamit nito sa pagpapatiwakal.

Gayunman, hindi inaalis ng pulisya ang iba pang anggulo tulad nang posibleng hindi nagpakamatay ang biktima kundi ito ay pinatay.

Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments