Sanggol nailigtas sa lolang 'kidnaper'

Isang 67-anyos na lola na umano’y miyembro ng "baby for sale gang" ang naaresto matapos itong maaktuhang tinatangay ang isang dalawang-taong gulang na batang babae kamakalawa ng tanghali sa Navotas.

Si Marilyn Fernandez ng Delpan st., Tondo, Manila ay naaresto ng mga kagawad ng Public Order and Safety matapos nilang maaktuhang pinipilit na isakay ng una sa isang pampasaherong jeep ang biktimang si Monica Quesana, ng 256 Champaca st., North Bay Blvd. South (NBBS).

Base sa naantalang imbestigasyon ng Navotas police, dakong alas-12:30 nang maganap ang insidente sa Agora Complex NBBS.

Ayon kay Ricardo Arcilla, 40, at Roberto Lemonares, 40, kapwa miyembro ng POSO, nakita umano nila ang suspek na binigyan nito ng sampung piso ang biktima at pilit na isinasakay sa isang pampasaherong jeep.

Subalit habang isinasakay ng suspek ang biktima sa jeep ay bigla umanong nag-iiyak ang bata kung kaya’t nagduda ang dalawa at mabilis na inaresto si Fernandez. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments