Ina todas, anak nakaligtas sa jeep na tumilapon

Hindi nakaligtas sa kamatayan ang isang 53-anyos na ina habang masuwerte naman na nakaligtas ang kanyang anak nang kaladkarin ito ng tumilapon na jeep na una nang bumangga sa isang kotse, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Amang Rodriguez Medical Center ang nasawing si Celedonia Bonife, ng #201-B Matahimik St., Santolan, Pasig City, habang nilalapatan naman ng lunas ang anak niyang si Matthew, 20.

Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang tumakas na suspek na kilala sa alyas na Archie, driver ng killer na Isuzu Jitney type (PXT-845).

Base sa ulat ni SPO1 Rizal Picayu, naganap ang insidente dakong alas-7:25 ng gabi sa kahabaan ng Marcos Hi-way, Brgy. San Roque, ng lungsod na ito. Una umanong nabangga ng naturang jeep ang isang kotse na minamaneho naman ni Eduardo Valencia.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon sa bangketa ang naturang jeep kung saan naglalakad ang mag-ina. Hindi na nagawa pang makaiwas ng mga ito nang dumiretso sa kanila ang sasakyan at kaladkarin sila kung saan napailalim si Celedonia. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments