Nag-Russian roullete sa birthday, dedo

Kakaibang pagdiriwang ang ginawa ng isang lalaki sa kanyang ika-41 kaarawan, ito ay sa pamamagitan ng paglalaro ng Russian roullete na naging dahilan ng kanyang kamatayan kamakalawa ng gabi sa bayan ng Taguig.

Namatay noon din ang biktima na si Alfredo Barcena ng Road 2, North Daang Hari, Brgy. Tanyag ng bayang ito sanhi ng tama ng bala sa kanang sentido buhat sa kalibre .38 baril.

Ayon sa pagsisiyasat ni PO2 June Rey Obico, dakong alas-11 ng gabi nang maisipan ng biktima na ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng paglalaro ng baril o Russian roullete.

Sa unang pagkalabit ng kanyang baril na itinutok nito sa kanyang sentido ay hindi ito pumutok.

Muli nitong inulit sa ikalawang pagkakataon, subalit pumutok ito na naging dahilan ng kanyang maagang kamatayan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments