Nakilala ang biktimang si Juan Sumugat, 62, ng 122 M.H. del Pilar St., Bgy. Palasan, Valenzuela City, na ginagamot sa ospital dahil nagtamo ito ng 3rd degree burns sa kanyang katawan.
Ayon kay PNP C/Insp. Efren Yadao, City Fire Marshall, dakong alas-2 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa apartment na pag-aari ni Maurita Heradura ng nasabing lugar.
Isang malakas na pagsabog umano ang narinig ng mga residente dito na nagmula daw sa kuwarto ng biktima kasunod ang naglalagablab na apoy na tumupok sa 2-storey apartment na tinitirhan nito.
Hinihinala ng mga bumbero na maaaring galing sa tangke ng gas ang pagsabog kaya mabilis kumalat ang apoy sa buong kabahayan.
"Napasarap ang tulog nito kaya hindi niya namalayan na nasusunog ang kanyang bahay kaya pati katawan niya ay may 30 porsiyento ang nalapnos," anang isang bumbero.
Samantala, may P10 million halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy nang maabo ang isang dalawang palapag na gusali sa Quezon City, kahapon.
Batay sa ulat ni FO3 Danilo Dugay, ng QC Fire District Office, nag-umpisa ang sunog pasado alas-6:03 ng umaga sa loob ng J.R. Store na inuupahan ng isang Lala Villa Prudente, sa 36-C Visayas Ave., malapit sa panulukan ng Tandang Sora, Bgy. Pasong Tamo, QC at pag-aari ng isang Manuel Heraldez.
Mabilis umanong kumalat ang apoy sa karatig na unit nito na tumagal ng halos isat kalahating oras bago na-fire under control pasado alas-7:36 ng umaga.
Walang iniulat na nasaktan sa nasabing insidente. (Ulat nina Gemma Amargo at Jhay Mejias)