Nabatid mula sa 11-pahinang petition for certiorari ni Olivarez sa Korte Suprema na sinabi nitong dapat ibasura ang naging deklarasyon ng Comelec na si Marquez ang nagwaging alkalde ng Parañaque.
Ayon kay Olivarez, umabuso sa tungkulin ang Comelec nang hindi nito pakinggan ang kanilang naunang petisyon na humihiling na ipagpaliban ang pagkakaluklok kay Marquez bilang alkalde.
Aniya, kuwestiyonable ang proklamasyon ng Board of Canvassers noong Mayo 21, 2001 kay Marquez dahil ito ay isang verbal instruction lamang mula kay Comelec Chairman Alfredo Benipayo at Commissioner Resurreccion Borra.
Iginiit ni Olivarez na minadali ang proklamasyon ni Marquez sa kabila ng katotohanang hindi pa nabibilang ang lahat ng balota sa eleksyon.
Idinagdag pa nito na binalewala lamang ng Comelec ang nakabimbin niyang kahilingan na alisin sa Parañaque City Hall Gym ang bilangan dahil sa umanoy kaguluhan at dayaang naganap doon. (Ulat ni Grace Amargo)