Sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala ng pulisya ang mga pangalan ng mga namatay na holdaper na sinasabing nasa 25-30 anyos, pawang 54 ang taas, nakasuot ng maong pants at gomang sapatos, parehong naka-t-shirt at pawang katamtaman ang pangangatawan.
Samantala, sumuko sa pulisya si Carlos de Jesus, barangay chairman, para sa isang masusing imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente.
Ayon kay WPD Detective Edgar Kho, ng Homicide section, dakong alas-12:55 ng madaling araw sa kanto ng Bilbao St., malapit sa barangay hall sa Tondo ng mangyari ang barilan.
Sinabi nina Delsa Mallari, 23, Grace Sunglao, 38, at Irene Puno pawang maggugulay sa palengke ng Divisoria, na tinagay ng may sampung di-kilalang armadong lalaki ang kanilang benta na may P200,000 halaga kasama ang mga alahas at cellular phone ng mga nabanggit matapos magdeklara ng holdap ang mga suspek.
Habang papatakas ang mga suspek isa sa mga biktima ang nagsisigaw at natawag ang pansin ni de Jesus na nasa barangay hall ng mga oras na iyon.
Gayunman, habang papalapit si de Jesus sa pinangyarihan ay pinagbabaril na ito ng mga suspek pero mabilis na gumanti ng putok ang una kaya dalawa sa mga suspek ang tinamaan kaya mabilis na kumaripas ng takbo ang mga kasamahan nito ng makitang patay na bumagsak sa lupa ang kanilang kasamahan. (Ulat ni Ellen Fernando)