Salvaging sa Maynila binatikos ni Kabayan

Kinastigo kahapon ni Senator Noli de Castro ang pulisya na itigil ang isinasagawang salvaging ng tinatawag na vigilante group laban sa mga kriminal na umano’y nambibiktima ng mga turista sa Maynila.

Hinamon ni Sen. de Castro, chairman ng Senate committee on tourism sina PNP Chief Leandro Mendoza at WPD director Nocilas Pacinos Jr. na gawin nito ang kanilang trabaho bilang alagad ng batas at hulihin ang mga vigilante group na suma-salvage sa tourist belt area sa Ermita.

Naalarma ang senador sa mga natagpuang salvage victims sa Ermita kamakailan kung saan ang mga naging biktima ay pawang mayroong tag na mga salot umano ng turista sa kanilang dibdib.

"Baka sa halip na mapahinto natin ang pambibiktima ng mga kriminal sa ating mga turista na siya umanong layunin ng mga vigilantes ay huminto sa pagbisita ang mga turista sa atin dahil sa takot sa mga salvaging na nangyayari," wika ni de Castro.

Sa halip, wika pa ni de Castro ay hinamon nito ang pulisya na hulihin ang nagpapakilalang vigilantes na nasa likod umano ng mga salvaging na nagaganap. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments