Kasalukuyang nagtatago ngayon ang suspek na nakilalang si Gerry Beltran, 29, tubong Cagayan de Oro City at stay-in sa loob ng International Golf Construction and Management Inc. sa may #193 Jesper Bldg., Wilson st., ng bayang ito.
Sa ulat ni Reynaldo Lacsamana, 29, junior field supervisor, sinabi nito na dahil sa matagal na umanong nagtatrabaho sa kanilang kumpanya ang suspek kaya ito ang pinagkakatiwalaan ng kumpanya kapag nagwi-withdraw ng pera sa kanilang banko.
Isang malaking proyekto umano ang kanilang nakuha at kailangan ng malaking halaga. Dito nila muli inatasan si Beltran na kumuha ng P250,000 halaga ng pera sa kanilang banko upang ipantustos nila sa naturang proyekto kamakalawa ng umaga.
Nagtaka umano sila nang hapon na ay hindi pa bumabalik ang suspek sa kanilang kumpanya kaya nagduda na sila rito. Tuluyan na nilang inireklamo sa pulisya ito matapos na hindi na muling bumalik sa buong magdamag.
Sinabi ng pulisya na maaaring tinangay na nga ni Beltran ang naturang malaking halaga ng salapi o puwede ring may masamang nangyari sa kanya sa pagtataglay ng naturang pera. (Ulat ni Danilo Garcia)