Asst. coach sa PBA nawalan ng kotse sa QC

Patuloy ang pagtaas ng bilang ng carnapping incident sa Quezon City na nagbibigay ng sakit ng ulo sa pamunuan ng Central Police District Office (CPDO) dahil muling umatake ang nasabing grupo at tinangay ang sasakyan ng isang assistant coach ng Philippine Basketball Association (PBA) sa mismong bahay nito.

Si Gilbert Reyes, asst. coach ng Alaska team, at nakatira sa Sct. Fuentebella St., Brgy. Sacred Heart, QC ay personal na dumulog sa CPDO Station 10 sa Kamuning, EDSA para isumbong ang insidente.

Ayon kay Reyes, dakong alas-4 ng madaling-araw ng pasukin ng mga hindi kilalang armado ang kanyang bahay habang may kasamang look-out na nakasakay sa isang Toyota FX.

"Wala kaming malay nasa loob sila ng garahe kaya ng lumabas ang drayber ko tinutukan nila ito ng baril pagkatapos ay pinalo sa ulo kaya nakuha nila ang susi ng Toyota Revo ko", ani Reyes.

Samantala, mahigit sa labinlimang kaso ng kidnapping incident ang naitala ng PNP Anti-Kidnapping Task Force mula noong Enero hanggang sa kasalukuyan.

Ito ang sinabi ni NAFTAK chief Deputy Director Gen. Hermogenes Ebdane, kahapon.

Ayon kay Ebdane, 11 sa nasabing kaso ay naresolba ng kanyang tanggapan.

Sinabi ni Ebdane, alam nila kung sinong grupo ang responsable sa apat pang kidnap case pero hindi muna nito sasabihin sa media ang mga pangalan ng grupo hanggang hindi pa tapos ang kanilang operasyon. (Ulat nina Jhay Mejias at Joy Cantos)

Show comments