P68-M damage suit isinampa laban sa FEU

Ipinagharap ng P68 million damage suit ng may 200 estudyante ng kursong accounting ang Far Eastern University (FEU) sa Manila Regional Trial Court (MRTC) matapos matuklasang niloko umano sila nito nang pag-enrolin pa sila ng isang buong taon gayong graduate na sila sa nabanggit na kurso.

Sinabi ng mga estudyante na pawang kumukuha ng kursong BS Accountancy na nilinlang sila ng pamantasan sa pamamagitan ng pangulo nitong si Dr. Edilberto de Jesus at Danny Cabulay, dean ng Accountancy Dept., nang sila ay pagbayarin at papasukin pa ng isang taon.

Umabot sa 233 ang bilang ng nag-demanda na kinatawan nina Rosemarie Ramos, Kissy Dy, Amelia Nicolas, Merling Cruz at Reynaldo Tenorio na nagsabing noong 1997 ay nag-enrol sila sa ilalim ng accountancy degree sa FEU na 4-year course.

Ayon sa kanila, sinabihan umano sila ni Cabulay na sakop ng pinalawak na curriculum program ang kanilang kurso kaya lumalabas na kailangan pa silang mag-enrol ng isang taon.

Nagbayad ang bawat estudyante ng P24,000 bilang tuition fee, bukod pa sa ibang gastusin na dala ng isa pang taong pag-aaral.

Gayunman, nalaman ng mga estudyante ng ika-5th year nila na hindi na pala sila sakop ng expanded curriculum sa dahilang ang FEU ay pinayagan lamang ng Commission on Higher Education na magpatupad ng pinalawak o limang taon na curriculum para sa nasabing kurso para sa mga estudyante na papasok ng 1998-99 pataas.

Bukod dito, pinakuha pa umano sila ng FEU ng "comprehensive examinations" gayong wala naman ito sa mga requirements nang sila ay pumirma ng application for admission noong 1997. Ito ay nakasaad sa application noong school year 2001 na.

Samantala, hiniling ng mga nagreklamong estudyante sa korte na magpalabas ng Temporary Restraning Order (TRO) ito hinggil sa nasabing isyu. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments