Ayon kay Assistant City Prosecutor Elaine Yarra Cerezo, inirekomenda niya ang paghahain ng kasong arbitrary detention at act of lasciviousness kina SPO1 Danilo Factor, PO3 Roberto Bombita at PO1 Reynaldo Ferrer, pawang nakatalaga sa Luneta Detachment - WPD Station 5 sa ilalim ng pamumuno ni P/Supt. Manolo Martinez.
Napag-alaman, na binaligtad ni Cerezo ang naunang disposition ni Assistant Prosecutor Cornelio Sy na i-release for further investigation ang tatlong suspek na inireklamo ni Mely Bergonia, ng Cainta Rizal, ng pang-momolestiya at tangkang panggagahasa.
Agad namang inaprobahan ni Manila City Prosecutor Nelson Salva ang rekomendasyon ni Cerezo at ipinag-utos ang pormal na paghahain ng kaso sa tatlo kasabay ng pagpataw ng P6,000 halaga para sa kasong arbitrary detention at P12,000 para sa kasong act of lasciviousness.
Nagpahayag ng hinanakit si Salva sa mga naunang pahayagan na naglabas ng istoryang nagsasabing inirekomenda niya ang pagpapalaya sa mga suspek na inutos na ni NCRPO Director P/Chief Supt. Edgardo Aglipay na isailalim sa summary dismissal proceedings ang mga ito.
Sinabi ni Cerezo na posibleng nagkaroon ng pagdududa si Sy kaya ganoon ang naging disposition tulad halimbawa na pag-aakalang prostitute woman ang biktima pero lumalabas sa pagrerebisa niya ng kaso na lehitimong mag-asawa sina Bergonia at ang lalaking kasama nitong dinampot ng mga pulis sa kanilang umanoy illegal operation dahil napatunayang hindi ito naka-log sa police blotters.
Samantala, sinabi ng biktima, may mga tao na umanong nakikipag-usap para aregluhin sila at nag-aalok pa umano ng malaking halaga ng salapi para iurong niya ang kaso. (Ulat ni Andi Garcia)