Pulis hinatulan ng bitay sa kasong rape

Parusang kamatayan ang ipinataw ng Supreme Court sa isang miyembro ng Las Piñas police na gumahasa sa isang 11-anyos na bilanggo sa presintong kinatatalagaan nito.

Sa ibinabang hatol ng Mataas na hukuman, ang akusadong nakilalang si Jose Camacho Torreja ay pinatawan ng parusang bitay sa pamamagitan ng lethal injection matapos na mapatunayan ng Las Piñas Regional Trial Court na ginahasa nito ang batang babaeng itinago sa pangalang Gina.

Batay sa ulat ng korte, ang insidente ay nangyari noong Enero 7, 1997, ng dalhin ng kanyang amo si Gina sa Kabayan Precint ng Las Piñas. Inireklamo si Gina ng kanyang amo dahil sa ginawa nitong pagnanakaw umano ng mga mahahalagang ari-arian sa loob ng kanyang bahay.

Napag-alaman, inilabas ng akusado ang bata sa kulungan at dinala umano ito sa kuarto ng isang Lt. Leyba.

Sinabi ng biktima, dakong alas-11 ng gabi ng nabanggit na petsa ay kinuwestiyon siya ni Torreja hinggil sa reklamo ng kanyang amo sa kanya at binigyan siya ng P50 pambili ng kanyang pagkain.

Matapos siyang bigyan ng pera ay ginahasa siya ni Torreja pagkatapos ay tinakot na papatayin kung papalag at mag-iingay.

Pero ang akusasyon ay pinasinungalingan ng akusado dahil tinatanong lamang daw niya ang biktima sa kasong ginawa nito.

Gayunman, si Torreja ay pinagbabayad ng Korte Suprema ng P50,000 halaga bilang moral damages at P75,000 bilang civil indemnity. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments