Sa Family Code, maaaring gamitin ang isyu ng pananakit ng isang mister sa kanyang maybahay para sa legal separation o pagpapawalang-bisa ng kasal.
Isinusulong nina Moreno at Marquez ang kanilang paghihiwalay dahil sa umanoy pagkakaroon ng kalaguyo ni Alma na si Julian Say habang si Joey ay inakusahan naman dahil sa umanoy pambubugbog nito.
Ayon kay Perez, nagbigay ng katiyakan si Moreno sa kanya na walang anumang sabwatan silang mag-asawa para sa pagpapawalang-bisa ng kanilang kasal na inihain sa piskalya sa Parañaque.
Sabi ni Perez, dadaan sa piskalya ang isang kaso ng annulment at obligado ang isang piskal na masiguro na walang sabwatan sa pagitan ng mag-asawa na nagnanais na magsulong ng kanilang paghihiwalay.
"Sa ilalim ng batas may partisipasyon ang piskal sa isang kaso patungkol sa annulment ng kasal. Ang sabi ni Alma walang sabwatan, tinitiyak niya sa amin na kung matutuloy man ang kaso ito ay dahil sa desidido sila pero walang sabwatan," ani Perez.
Umaasa naman si Perez na magkakasundo pa ang mag-asawa dahil ayaw niyang maging instrumento ng kanilang paghihiwalay. Sinabi ni Perez na ang unang maaapektuhan ng kanilang paghihiwalay ay ang kanilang mga anak.
Sinabi ni Perez, kung wala ng ibang paraan para maisalba pa nila ang kanilang kasal ay doon lamang nila dapat isulong ang kanilang paghihiwalay. (Ulat ni Grace Amargo)