Nakataas sa double red alert ang buong nasasakupang ni WPD Director Chief Supt. Nicolas Pasinos Jr., kasabay nang pagpapairal ng maximum tolerance sa lahat ng magsasagawa ng malawakang kilos protesta.
Umabot sa 2,500 na kagawad ng Manilas Finest ang ikinalat sa paligid ng US Embassy sa Roxas Blvd., bukod pa sa mga pulis na naka-deploy sa Mendiola, Plaza Miranda, oil depot sa Pandacan at sa mga istasyon ng LRT.
Inaasahan na ngayong araw na ito ay magiging aktibo ang mga militanteng grupo sa pagsasagawa ng serye ng kilos protesta kayat buong higpit na babantayan ang paligid ng Malacañang na isa sa mga paboritong pagdausan ng rally.
Samantala, pinalaya kahapon at hindi na kinasuhan si Jomar Apolinario,19, estudyante ng Polytechnic Universtiy of the Philippines (PUP) na inaresto ng pulisya kamakailan sa harap ng US Embassy matapos magsagawa ng isang marahas na kilos protesta. (Ulat ni Ellen Fernando)