Inalerto ni PNP Chief P/Director General Leandro Mendoza ang kanyang mga tauhan para sa posibeng panggugulo ng anumang grupo na maaring magsagawa ng pananabotahe sa nasabing okasyon.
Isang intelligence report ang natanggap ng PNP hinggil sa umanoy planong panggugulo ng mga loyalistang grupo ni dating ARMM Chairman Nur Misuari.
Sinabi ni Mendoza, babanat umano ang grupo sa paggunita ng Edsa Peoples Power 1.
Ayon kay Mendoza, ang panggugulo umano ay bahagi ng paghihiganti ng mga supporters ni Misuari sa ginawang paghuli at pagpapakulong dito.
Ang kahabaan ng Edsa ang siyang lugar na pagtutuunan ng pansin ng kapulisan dahil dito tampok ang selebrasyon.
Tututukan din ng PNP ang pagdaraos ng mga kilos protesta sa nasabing araw.
Sabi ni Mendoza, ang 3,000 pulis ay ikakalat sa Edsa samantala ang 2,000 ay hahatiin sa NCR para mangalaga ng kaayusan at katahimikan.
Magugunitang ang Edsa People Power 1 ang nagluklok sa kapangyarihan kay dating Pangulong Corazon Aquino bilang kauna-unahang babaeng lider ng bansa matapos na mapatalsik sa kapangyarihan si dating Pangulong Ferdinand Marcos. (Ulat ni Joy Cantos)