Nabatid na sa sandaling tanggapin ng special division ng Sandiganbayan ang motion ng prosecution team ay ililipat na ito sa nasabing kulungan habang dinidinig ang kasong pandarambong.
Tiniyak ni QC Jail warden Supt. Primitivo Benitez, na walang special treatment na maibibigay ang QC jail dahil na rin sa kawalan ng magandang lugar upang mabigyan ng espasyo ang dating Pangulong Estrada.
Ayon kay Benitez, wala silang magagawa kundi ang ibigay kay Estrada ang sinasapit ding kondisyon ng mga ordinaryong preso na miyembro ng ibat ibang gang.
Masyado nang overpopulated ang nasabing piitan kung kayat hindi na maari pang gumawa ng isang kuwarto para lamang sa dating pangulo.
Sinabi ni Benitez, mabibigyan lamang niya ng maximum security si Estrada at hindi ang airconditioned at solong kuwarto na inaasahan nito.
Tiniyak ni Benitez, na handa na silang tanggapin si Estrada at ipatupad nila ang regulasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nasiyahan naman ang ibat ibang miyembro ng gang tulad ng Sigue-Sigue Sputnik, Bahala Na Gang, Commando at Batang City Jail sa balitang paglilipat kay Estrada sa nabanggit na piitan.
Sa katunayan umano ay matagal na nilang inaasahan ang pagdating ni Estrada pero nababalam ito sanhi ng mga motion na masyadong matagal na dinidinig sa Sandiganbayan.
Matatandaan na iginigiit ng mga militanteng grupo sa pamahalaang Arroyo na hindi dapat na bigyan ng anumang VIP treatment si Estrada dahil ito ay may kasong kriminal. (Ulat ni Doris Franche)