Puno ng pasa at galos sa katawan nang magtungo sa Pasig police ang biktimang si Agnes Tumaneng, dalaga, ng #28 Sitio Lambak Krus-na-Ligas, Quezon City.
Inireklamo nito ang kanyang amo na si Wilma Tapallanee Cruz, may-ari ng WCT Speech Training Center, nangungupahan sa Penthouse 4, 22nd Flr., Horizon Condominium, Meralco Ave., Ortigas, Pasig City.
Sa kanyang salaysay, sinabi ni Tumaneng na tatlong beses na umano siyang walang awang ginulpi ng kanyang amo mula nang mamasukan siya sa bahay nito noong Enero 25, 2002.
Ayon dito, parang dayuhan umano ang pakikitungo sa kanya ng amo kung saan nakatuwaan na umanong batukan at suntukin siya sa mukha tuwing maiinis ito. Tumatagal rin umano ng halos limang oras ang pagmamasahe niya sa amo hanggang sa makatulog ito.
Kapag iniiwan umano siya sa bahay, wala umanong pagkain na inilalaan sa kanya at ipinapadlock pa siya sa loob ng kusina na parang aso.
Nagawa lamang umano niyang makatakas kamakalawa nang hindi masyadong naikandado ng amo ang pinto ng bahay at dumiretso siya sa pulisya upang magreklamo. (Ulat ni Danilo Garcia)