Kinilala ang suspect na si PO1 Arman Recio, nakatalaga sa 1st Battalion Philippine National Police, Special Action Force (PNP-SAF) na nakakulong ngayon sa Las Piñas City detention cell.
Kinilala ang biktima na si Mary Jane Dionisio, stay-in sa No. 313 Real St., Brgy. Pulang Lupa ng lungsod na ito.
Ayon kay PO3 Joel Cambi, ng Criminal Investigation Division (CID), Las Piñas City Police, naganap ang insidente noong Biyernes, dakong ala-1:00 ng madaling araw sa kahabaan ng MIA Road sa harapan ng isang food chain.
Ayon sa biktima naglalakad siya nang biglang lumapit sa kanya ang suspect na nagpakilalang siya ay si Insp. Perez ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at inakusahan siyang tulak ng droga.
Nabatid kay Dionisio na itinanggi niya ang akusasyon sa kanya ng suspect at bigla itong pumara ng taxi at sapilitang isinakay ang dalaga.
Habang nasa taxi ay sinimulang lamasin ng suspect ang dibdib ng biktima. Hindi pa nakuntento ang suspect at sapilitang ipinasok nito ang kaniyang daliri sa pang-ilalim ng biktima at pinaghubad ito ng damit.
Samantala, nasa balag ng alanganin ngayon ang isang kagawad ng WPD-DDEG makaraang ipagharap ito ng reklamong pagnanakaw sa Regional Intelligence Investigation Command makaraang pasukin nito ang isang pribadong bahay at arestuhin ang bisita ng una na isa ring kagawad ng WPD.
Sa salaysay ni Abigael C. Bumagat, 15, dakong alas-7 ng gabi kamakailan nang pasukin na lamang sila ng grupo ng DDEG.
Agad na hinuli at pinosasan ng suspect na nakilalang si PO2 Mike Gomez ang bisita ng kapatid ni Bumagat na si PO1 Gener delos Reyes na labis nilang ikinabigla.
Bunga ng kalituhan ay nanatili sa itaas na bahagi ng kanilang bahay ang complainant at namalayan na lamang niya na umakyat sa kanilang silid si Gomez at walang sabi-sabing naghalungkat.
Ayon pa kay Bumagat, nakita niyang kinuha ni Gomez ang higit sa 10 piraso ng mga original na vcds at audio cds na umaabot sa P4,000 ang kabuuang halaga, 3210 Nokia celphone at charger, ilang piraso ng pocketbooks, complete set ng Barbie Dolls Playpen at Guess Divers watch na nagkakahalaga ng P15,000.
Nabatid na makaraang arestuhin ng suspect si delos Reyes sa hindi pa batid na dahilan ay isinama rin sa presinto ang ina ng complainant na nakilala lamang sa pangalang Anabel. (Ulat nina Lordeth B. Bonilla at Ellen Fernando)