Ang biktima ay nakilalang si Realyn Villareal, ng Zone 19, Road 2, North Daang Hari, Brgy. Bagong Bayan ay natagpuang hubot hubad na may saksak sa ari at ulo sa isang inabandonang gusali sa Brgy. Tagapo, Sta. Rosa, Laguna.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Charlie Rillon ng Taguig PNP na nagtungo sa kanilang tanggapan noong Enero 28 ang ama ng biktima na si William upang ipa-blotter ang pagkawala ng biktima na naglalaro lamang sa labas ng kanilang bahay.
Kinabukasan ay kinuwentuhan si William ng kanyang kapatid ukol sa narinig nitong balita mula sa kanilang kapitbahay na may isang batang babae ang natagpuang nakahubot hubad sa inabandonang Pigris Bldg., PNR Site ng nasabing lugar.
Agad na kinutuban si William sa nakuhang balita mula sa kapatid kaya naman ay agad itong nagtungo sa himpilan ng pulisya ng nasabing lalawigan upang sa ganoon ay kanyang matiyak kung ito ay ang kanyang anak na dalawang araw nang nawawala.
Nang makarating si William sa nasabing lalawigan ay ganoon na lamang ang panlulumo nito ng makita na ang nasabing bangkay ay kanyang anak na si Realyn.
Ayon sa pagsisiyasat ng Sta.Rosa,PNP na ang biktima ay ginahasa muna bago ito ay sinaksak sa ari at ulo at doon itinapon.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya upang matukoy ang responsable sa brutal na pagpatay sa biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)