Pinirmahan kahapon nina NCRPO director Edgardo Aglipay, Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Teodoro Cruz at Metro Rail Transit Authority (MRTA) General Manager Mario Miranda ang isang Memorandum of Agreement (MOA) ukol sa pagbibigay ng seguridad ng pulisya sa bawat tren.
Nakasaad sa naturang kasunduan na magtatalaga ang NCRPO ng anim na unipormadong tauhan ng pulisya bawat isang tren ng LRT at MRT upang magbantay sa mga sakay nito laban sa mga mandurukot at posibleng pag-atake ng mga terorista.
Kalimitan na sa mga pintuan nagaganap ang pandurukot dahil sa siksikan ng mga pasaherong pumapasok at lumalabas ng tren. Dito rin pumupuwesto ang mga miyembro ng "Ipit-Gang" na namimiyesta sa pagtangay ng mga pitaka at cellphone ng mga pasahero.
Ang lahat ng pulis na matatalagang magbabantay sa LRT at MRT ay magtataglay ng opisyal na patch ng NCRPO.
Bilang kapalit, payag naman ang LRTA at MRTA na pasakayin ng libre ang lahat ng miyembro ng NCRPO kung nakakumpletong uniporme ang mga ito. (Ulat ni Danilo Garcia)