Sama-samang pinirmahan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) nina NTC Chairman Eliseo Rio Jr.; Smart Communications legal head Rogelio Quievedo: Globe Telecoms senior vice-president Atty. Rodolfo Salalima; Pilipino Telecommunication Corp. (Piltel) legal manager Atty. Ma. Dolores Sequiya at Islacom Telecoms legal counsel Atty. Froilan Castelo.
Sa ilalim ng naturang MOA, magkakaroon ng tulungan ang mga ahensiya at mga network provider upang ipatupad ang anti-theft scheme ng NTC kung saan kinakailangang kuhain ng subscriber ang serial number ng kanyang telepono sa pamamagitan ng pagpindot sa mga key na: *,#,0,6#.
Kinakailangang kabisaduhin o ilista ng isang subscriber ang kanyang serial number. Kung sakaling manakaw o mawala ang naturang telepono, kinakailangang iulat kaagad ito ng may-ari sa NTC o sa mga opisina ng Smart, Globe, Piltel o Islacom upang ipa-block ang kanilang telepono para hindi magamit ng sinumang tumangay nito.
Dapat na magdala lamang ang isang may-aring nanakawan ng telepono ng police report, affidavit of loss at waiver na payag itong ipa-block nang tuluyan ang telepono.
Kasamang pumirma rin sa naturang MOA ang mga kinatawan ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP), Philippine Electronics and Telecommunication Federation at Philippine Information Agency (PIA). (Ulat ni Danilo Garcia)