4 UST students na pumatay sa ROTC scam sinampahan ng murder

Sinampahan na ng kasong murder ng Department of Justice (DOJ) ang apat na estudyante ng University of Santo Tomas (UST) na pumatay sa kapwa estudyante nito.

Sa 19-pahinang resolution na ipinalabas ng DOJ sa pamumuno nina State Prosecutors Aristotle Reyes at Ruben Zacarias, nabatid na ang mga akusadong sina Paul Joseph Tan; Michael von Rainard Manangbao; Eduardo Tabrilla at Arnulfo Aparri ay nagsabwatan upang patayin ang biktimang si Mark Welson Chua.

Batay sa rekord ng DOJ, ang biktima ay nawala noong March 15, 2001 kung saan huling nakita si Chua na kasama ang mga akusadong sina Tabrilla at Manangbao.

Makaraan ang tatlong araw ay natagpuan na lamang ang bangkay ni Chua sa Pasig river sa likod ng Central Post Office na nakabalot sa isang carpet habang nakatali ang kamay at paa nito at binalutan ng gray packaging tape ang mukha ng biktima.

Pinagbatayan ng DOJ ang naging testimonya ng mga dating suspect na naging witness na sina Dennis Pamor, Charles Sison, Christopher Chua, Erwin Cudiamat, Franco Salvador Suleto at Jeremy Dumuan.

Pinawalang-sala rin ng DOJ ang mga nasabing witness dahil hindi napatunayan na nakipagsabwatan ang mga ito sa mga nasabing akusadong sinampahan ng kasong murder.

Bunga nito’y isinampa ang kasong murder sa Manila Regional Trial Court laban sa mga nabanggit na akusado.

Tiniyak naman ni Justice Secretary Hernando Perez na maibabalik sa bansa si Manangbao dahil sa hinahanda na ang extradition request laban dito upang harapin nito ang prosecution.

Samantala, hindi rin pinayagan ng DOJ na makapagpiyansa ang mga naturang akusado. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments