Rapist na ama hinatulan ng 7 bitay

Pitong death penalty ang ipinataw ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) sa isang security guard na gumahasa sa kanyang anak ng pitong beses sa magkakahiwalay na insidente noong 1998 sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City.

Batay sa desisyon ni QCRTC Judge Monina Zenarosa, si Gelacio Catapang ay napatunayang nagkasala ng panggagahasa sa kanyang 14-anyos na anak noong Marso 27, Abril 7, 13, 14, 15, 16 at 23, 1998 sa kanilang bahay sa Brgy. Culiat, QC.

Sa salaysay ng biktima, lagi siyang tinatakot ni Catapang na papatayin kapag ito ay nagsumbong.

Agad namang nagdesisyon ang biktima, ina at mother-in-law ng akusado matapos na ipagtapat ng biktima ang ginawa ng ama.

Mariin namang pinabulaanan ni Catapang ang akusasyon sa pagsasabing framed-up lamang ang ginawa ng anak, asawa at biyenan dahil may matagal na silang alitan.

Sinabi pa ni Catapang na nasa bahay siya ng kanyang kaibigan kung kaya’t imposible ang bintang sa kanya ng biktima. Subalit hindi pinaniwalaan ng korte ang alibi ng suspect dahil mas binigyan ng pansin ang salaysay ng biktima.

Inatasan din ng korte si Catapang na bayaran ng P50,000 para sa civil indemnity at P50,000 para sa moal damages ang biktima. (Ulat nina Doris Franche/Angie dela Cruz)

Show comments