Sa ipinalabas na kautusan ni QCRTC Judge Agustin S. Dizon ng Branch 80, binigyang-diin ng korte na dapat nang managot sa batas si Moya kaugnay ng kaso dahil napatunayang may sapat na ebidensiyang nagdidiin dito.
Batay sa court record, ipinagharap ng kasong paglabag sa Section 22 ng SSS Law si Moya ng SSS main office sa pamamagitan ni Atty. Danny Gutierrez bunsod ng patuloy na pag-isnab ng akusado na i-remit ang halagang P2,977,047.60 SSS remittance ng kanyang mga empleyado at ang kaukulang 3 percent penalty sa pagkaka-delay ng bayad.
Si Moya ang tumatayong pangulo ng C.M. Security and Services Inc. na matatagpuan sa 526-B Makiling St., Mandaluyong City.
Sa rekord ng korte, nakolekta na ng ahensya ni Moya ang naturang halaga sa kanyang mga empleyado bilang SSS contributions mula July 1997 hanggang May 2000 subalit hindi pa rin ito naire-remit ng akusado sa nabanggit na ahensya.
Ang nabanggit na pangyayari ay una nang naireklamo ni Mayonito Fesalbon, senior analyst ng SSS Mandaluyong at noong nasabing taon, dito nalaman na delinquent magbayad ng kanilang obligasyon ang naturang kompanya.
Inabisuhan na umano niya si Moya na bayaran ang obligasyon nito sa SSS sa pamamagitan ng pagpapadala ng Letter of Instruciton dito noong Aug. 17, 198 at nasundan naman ng Demand Letter noong Oct. 27, 2000 subalit pawang inisnab lamang ng akusado.
Bunsod nito, pormal nang nagsampa ng reklamo ang SSS QC main office sa QC court para papanagutin si Moya sa nasabing kasalanan.
Bukod sa utos ni Judge Dizon na arestuhin si Moya, inutos din nito na pagbayarin ng P24,000 ang akusado bilang piyansa oras na ito ay mahuli ng mga awtoridad. (Ulat ni Angie dela Cruz)