Kinilala ni Senior Supt. Oscar Paginado, hepe ng Valenzuela police, ang mga "manananggal" na sina Angel de Jesus, asawa nitong si Milagros, tumatayong lider ng grupo na pawang residente ng #20 Azucena St., Bahayang Pag-Asa Subd., Valenzuela; Inego Ocasia Jr., 27; Eduardo Bantiles, 46, pawang residente ng Block 68 Palay St., Tumana Concepcion, Marikina City; Reynante Ramos at Calixto Sernal, mga residente ng Barangka, Marikina City.
Naunang naaresto sina Ocasia Jr. at Bantiles habang nakasakay sa isang taxi. Kaduda-duda umano ang mga kilos nito dahilan upang sitahin sila ng mobile group.
Kaagad nakita ng mga awtoridad ang walong piraso ng metro ng kuryente at nang tanungin ang mga ito kung saan galing ay hindi ito maipaliwanag nina Ocasia Jr. at Bantiles.
Nang magsagawa ng follow-up operation ang pulisya bandang alas-4 ng madaling-araw ay naaresto naman sina de Jesus at Sernal habang ibinebenta rin nito ang ninakaw nilang metro sa mag-asawa sa halagang P200.
Ang mga suspect ay kilabot na manananggal ng metro ng kuryente sa nasabing lugar.
Kasong paglabag sa RA 7832 (anti-Pilferage of Electricity and Theft of Transmission Line at Material Act of 1999) ng kumpanya ng Meralco bukod pa ang kasong ipaghaharap ng Valenzuela police. (Ulat ni Gemma Amargo)