Kinilala ni Fernandez ang Nargroup personnel na si PO1 Francisco Carlos na nabulgar na gumagamit ng shabu.
Nang manungkulan si Fernandez sa puwesto bilang bagong hepe ng PNP-Nargroup ay ipinag-utos na nito ang mahigpit na pagpapatupad ng anti-drug law sa tulong na rin ng PNP Crime Laboratory at ng mga Regional Command.
Binigyang-diin ni Fernandez na ang pagsasagawa nila ng serye ng surprise drug test ay bilang patunay sa publiko na seryoso ang pamahalaan sa kampanya nito laban sa illegal na droga.
Ayon pa kay Fernandez, itoy upang patunayan din na hindi pugad ang PNP ng mga addict sa bawal na gamot tulad ng shabu, marijuana at iba pa.
Inihayag ni Fernandez na kung mahuhuli ng PNP-Nargroup ang mga pulis na gumagamit ng illegal na droga ay mapapataas nito ang moral at mapapanumbalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan.
Samantala, napatunayan din na apat sa 400 personnel ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay positibo sa shabu bagaman ang mga pangalan ng mga ito ay hindi muna tinukoy ni Fernandez dahil kasalukuyan pang naka-pending ang pagdinig sa mga kaso ng mga ito.
Dahil dito, hiniling ni Fernandez kay NCRPO Chief P/Director Edgardo Aglipay na magsagawa ng summary proceedings laban sa apat na ito. (Ulat ni Joy Cantos)