Ipinag-utos ni Immigration Commissioner Andrea Domingo ang pagsasampa ng kaso laban kay Patrick Thomas Richardson, 41, na nakakulong sa BI jail, Bicutan, Taguig. Ang suspect ay naaresto noong Lunes nang mapatunayang ilegal ang pananatili sa bansa at nagtatrabaho nang walang kaukulang permit.
Ani Domingo, bukod sa kasong kriminal, si Richardson ay nahaharap din sa kasong deportation dahil sa ilegal na pagtatrabaho bilang manager ng London House of Perfumes, Inc., isang kompanya na nakabase sa Legaspi Village, Makati City.
Idinagdag ni Domingo na si Richardson ay nagtatrabaho sa nasabing kompanya sa kabila na itoy isang turista lamang sa bansa at hindi kumuha ng work permit at visa sa Dept. of Labor and Employment (DOLE).
Nabatid na sa halip sumama nang maayos sa kanyang arresting officers mula BI ay nanlaban ang suspect at sinugod ang BI agents na sina Ansari Macaayan at Homer Reyes. (Ulat ni Ellen Fernando)