Sina Insp. Reydante Ariza, SPO1 Dante Cruz, PO3 Noel Banares at PO1 Sandy Falcutilla ay inirekomendang sibakin samantalang si Supt. Danilo Cabato at Insp. Danilo Padilla na mayroong direktang kontrol sa naunang apat na mga pulis ay inirekomendang suspindihin at ipahinto ang suweldo.
Samantala, si PO2 Eric Roxas, na siyang imbestigador sa nasabing kaso ay inirekomenda rin na masuspinde.
Sa 15-pahinang resolusyon na ipinalabas ni Supt. Edgar Paulino ng Northern Police District Office (NPDO), nakakita sila ng sapat na ebidensya sa summary execution ng mga ito kay Larry Gozon.
"Only the signature of NPDO director Chief Supt. Vidal Querol is needed to carry out the summary dismissal proceedings against the respondents," ayon pa kay Paulino.
Lumalabas sa record ng pulisya na noong Marso 10, 2001 nang arestuhin ng mga tauhan ni Ariza si Gozon at makumpiska rito ang kutsilyo at tatlong bala ng kalibre .38. Si Gozon ay inaresto dahil sa pagkamatay ng isang Benjamin Silvestre.
Dalawang araw matapos ang insidente, sina Ariza at Falcutilla sakay ng isang police vehicle kasama si Gozon para sampahan ng kaso sa Prosecutors Office nang maganap ang salvaging sa biktima.
Ikinatwiran ng mga pulis na kahit na nakaposas si Gozon ay bigla na lamang nitong inagaw ang baril ni Falcutilla habang nagmamaneho ito dahilan upang aksidenteng pumutok at tamaan umano ang biktima. (Ulat ni Gemma Amargo)