Si Lani Carpio, 21, ang sanggol at ang asawa nitong si Daniel, 27, ay positibong itinuro ng biktima ng panghoholdap na si Jaime Padua, 55, ng Padilla St., Navotas.
Sa ulat ni PO2 Alberto Eustaquio, dakong alas-2:15 ng madaling-araw nang holdapin ng mga suspect ang minamanehong Mariariel taxi ng biktima, may plakang PWH-645 sa may kahabaan ng Torres Bugallon St., sa nasabing lungsod.
Binabagtas ng biktima ang naturang lugar nang parahin siya ng mag-anak at nagpapahatid sa Tayuman, Manila, subalit pagdating nila sa naturang lugar ay muling nagpahatid ang mag-asawa sa Caloocan.
Nang makabalik na sa Caloocan ay biglang bumunot ng patalim si Daniel at nagpahayag ng holdap at sapilitang kinuha ang P3,900 na kita ng biktima.
Nanlaban ang biktima sa lalaking suspect kayat nakalabas ng sasakyan at humingi ng tulong.
Nagkataong nagpapatrulya ang mga kagawad ng Mobile Patrol Unit sa nasabing lugar at inaresto ang babaeng suspect habang mabilis namang nakatakas ang kabiyak nito.
Ipinaliwanag ng ginang na nagawa nilang mangholdap dahil wala silang pambili ng gatas ng kanyang asawa para sa kanilang anak.
Kasalukuyang nakapiit si Carpio at nahaharap sa kasong robbery. (Ulat ni Gemma Amargo)