Nobyo ni Strawberry, tatakas pa-US

Nag-aapply umano ng passport at visa upang magtungo ng Amerika ang boyfriend ng nasawing dating child actress na si Strawberry at hinihinalang tatakas ito.

Ito ang ibinunyag kahapon ng isang opisyal ng Southern Police District Office (SPD) na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ayon sa source, nakatanggap sila ng impormasyon na nag-aapply ng passport visa si John Mark Doromal at nais umanong magtungo nito ng ibang bansa.

Nabatid pa sa impormante na may hinala sila na kaya mangingibang bansa si Doromal ay upang takasan umano nito ang kinakaharap niyang kaso.

Dahil nalaman na umano ng pamilya Doromal na kahit hindi interesado ang pamilya ni Strawberry, isasampa pa rin ng pulisya ang kasong reckless imprudence resulting to homicide laban sa nobyo nito.

Ayon sa SPD, ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay pareho sa kanilang imbestigasyon na sinasabing si Doromal umano ang responsable sa pagkakasawi ng dating child actress.

Lumalabas na hindi umano sinasadyang mabaril ng batang Doromal ang kanyang nobya habang nakikipag-enkuwentro ito sa pamilya Picar.

Ngunit ibinibintang umano ng pamilya Doromal sa Picar family ang pagkamatay ng dating aktres. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments