Ito ang siyang pahayag ng isang opisyal ng Southern Police District kahapon.
Malaki ang tiwala ng source sa ebidensyang nasa kanilang pangangalaga na ididiin nito si John Mark Doromal sa kasong reckless imprudence resulting to homicide na kanilang isasampa sa linggong ito sa kabila ng kawalang interes ng pamilya ng nasawing child star,
Sa pagsusuri ay lumilitaw na hindi nagpaputok ng baril ang miyembro ng pamilya Picar na naunang pinagbintangan na responsable sa pamamaril sa biktima.
Higit pang pinagtibay ang anggulong ito nang maging negatibo ang pamilya Picar sa isinagawang paraffin test sa mga ito.
Ikinatwiran ng source na sapat na ang ebidensyang hawak ng SPD upang mabigyan ng merito ang kaso laban kay Doromal at masimulan ng maaga ang pagdinig dito.
Samantala ay naghain ng mosyon ang abogado ni Doromal sa Prosecutors Office ng Las Piñas City na humihiling na isantabi muna ang kasong attempted murder na isinampa ng pamilya Picar laban dito.
Sinasabi ng abogado ni Doromal na kailangan munang isantabi ang nabanggit na kaso dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon sa krimeng naging dahilan ng pagkakasawi ni Strawberry. (Ulat ni Lordeth Bonilla)