Hindi na umabot ng buhay sa Manila Doctors Hospital si Ricardo Pascual, 30 ng Gana Compound, Balintawak Quezon City sanhi ng tinamong isang tama ng bala ng baril sa dibdib.
Habang pinaghahanap ng pulisya ang mga suspect sa nakilala lamang sa pangalang Bobby Saya at isang Joey alyas Nognog.
Batay sa ulat ng CPD-Criminal Investigation Unit, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa naturang lugar.
Nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at mga suspect dahil lamang sa umanoy ipinagkakalat na intriga ng biktima laban sa mga suspect na naging dahilan upang komprontahin ang biktima sa bahay nito at hinamon nila ng suntukan.
Ilang saglit lang ay lumabas ang biktima na armado umano ng isang samurai at hinarap ang dalawang suspect. Ngunit lingid sa kaalaman ng biktima, armado ng baril ang isa sa mga suspect kung kaya agad na sinugod ng biktima ngunit pinaputukan ng isang beses si Pascual sa kanyang kanang bahagi ng dibdib na ikinasawi nito.
Ang bangkay ng biktima ay dinala sa PNP-Crime Laboratory upang isailalim sa autopsiya. (Ulat ni Jhay Mejias)