Ito ang ibinunyag kahapon ng isang opisyal sa Southern Police District Office (SPDO), na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Sinabi ng source na may hinala silang nagkakaroon umano ng aregluhan sa kaso ng dating child actress, dahil hanggang sa ngayon ay hindi interesadong magsampa ng reklamo ang mga kaanak nito laban sa suspect na si John Mark Doromal, boyfriend ng dalaga.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na si Doromal umano ang aksidenteng nakabaril at nakapatay kay Strawberry, Anouk Baldo sa tunay na buhay habang nakikipag-ingkwentro ito sa pamilya Picar na ang pinag-ugatan ng alitan ay dahil lamang sa simpleng gitgitan sa trapiko na naganap noong Disyembre 18, 2001, B.F. International, Executive Village, Las Piñas City.
Sa kabila na inihanda na ng Las Piñas City Police ang kasong Reckless Imprudence resulting to homicide laban kay Doromal, hindi pa ito maisampa sa Prosecutors Office dahil hindi umano sumisipot sa nasabing tanggapan ang mga kamag-anak ng aktres, kayat ayon sa source may hinala silang inaareglo ito ng pamilya Doromal.
Kahapon ay isinagawa ng pulisya ang isang ocular inspection sa pinangyarihan ng insidente.
Naganap rin kahapon ang unang pagdinig sa kasong attempted murder na isinampa ng pamilya Picar sa Las Piñas City Prosecutors Office laban sa binatang Doromal na umanoy sumalakay at namaril kasama ang ilang guwardiya nito.
Samantala, ayon pa sa source, ipinahayag ni Ronald Picar, na nagpakilala umanong miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na kalalakihang naka-bonnet na nagsagawa nang pag-kidnap sa kanya noong Enero 4, 2002 sa Quezon City upang aminin lamang ang pagpatay kay Strawberry. (Ulat ni Lordeth Bonilla)