Reporter plinanong patayin

Planado at sinadya ang pagpaslang sa isang reporter ng pahayagang Bulgar na natagpuang nakahandusay ang bangkay noong Nobyembre 15 sa Fairview,Quezon City.

Ito ang ibinulgar ng isang informer ng pulisya na nagdetalye sa mga imbestigador ng ilang mahahalagang impormasyon ukol sa pagkamatay ng reporter na si Rudy Peralta Jr.

Ayon sa nasabing impormante,na tumawag sa telepono at kumausap ng mga reporters sa Camp Crame na isang vice-mayor ng isang bayan sa lalawigan ng Cavite ang nasa likod ng pagpatay kay Peralta.

Inamin pa ng impormante na kasama siya sa mga nabayaran ng naturang local official at siya ay nako-konsensiya sa ginawa nilang pagpatay kay Peralta.

"Nakahanda akong lumabas sa tamang panahon.Kagagawan lahat yan ni vice-mayor at ni SPO4 Bilbao." pahayag ng impormante.

Nauna rito,nabatid na si Bilbao ay nakatalaga sa CPD na unang nag-report sa krimen ukol sa nangyari kay Peralta na umano ay sanhi ng isang ng holdap.

Si Peralta ay natagpuang patay at putok ang ulo sa isang lugar sa Fairview na noon ay inakala na aksidente lamang ang pagkamatay nito matapos mahulog sa sinasakyang pampasaherong jeep kung saan ay nakasabit lamang ito.

"Hindi totoo yan.Si Bilbao,pinalo niya ng baril sa ulo yung biktima bago inihulog sa jeep.Siya at si vice-mayor ay magkumpare.Yung may-ari ng jeep ay kumpare din.Planado namin ang pagpatay.Yan ang dahilan kung bakit dalawang araw na-late ang pag-blotter sa insidente." pagwawakas ng impormer. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments