Magkaibigan niratrat habang naglalakad

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawang magkaibigan ng hindi pa nakikilalang salarin habang naglalakad papauwi kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Agarang namatay sa lugar ng pinangyarihan sina Robert Conde, 25, at Joseph Macaraeg 25, mga residente ng Tabigo St., Brgy. Commonwealth Quezon City.

Sa imbestigasyon ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU), naganap ang insidente dakong alas-10:50 ng gabi sa kahabaan ng Gold St., Sto. Niño ng naturang lungsod.

Nagkukuwentuhan ang mga biktima habang naglalakad pauwi galing sa kanilang trabaho ng biglang harangin ng armadong lalaki.

Inubos ng suspek ang lamang bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa mga biktima bago tuluyang umalis ang suspek na parang walang nangyari.

Sa kasalukuyan, inaalam pa ng pamunuan ng CPDO ang tunay na motibo sa pagpatay sa dalawang biktima at kung sino ang pumaslang sa mga ito. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments