Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya kaugnay sa pagkasawi ng akusado na nakilalang si Joel Tenorio, 28, binata at nakatira sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Manila.
Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat ni Det. Raul Olavario, may hawak ng kaso ng Western Police District-Homicide Division, dakong alas-2 ng madaling-araw nang mabulabog at magising ang mga preso na nasa selda 13 dahil sa umanoy malakas na sigaw ni Tenorio.
Agad na ipinaalam ng mga preso kay SJO2 Cesar Ongoco ang insidente kaya agad na pinuntahan ang biktima sa kanyang selda.
Mabilis na isinugod si Tenorio sa Jose Reyes Memorial Medical Center subalit hindi na ito umabot pa ng buhay.
Base sa rekord, si Tenorio ay inakusahan ng kasong panghahalay sa isang menor de edad at tatlong taon nang nakapiit sa MCJ.
Nabatid na kadalasan ay pinahihirapan umano ng ibang preso ang mga nakukulong na may kasong panggagahasa sa pamamagitan ng panggugulpi at dinaganan din umano ito ng unan sa mukha hanggang sa bawian ng buhay.
Dahil dito, hindi iniaalis ng awtoridad ang posibilidad na may naganap na foul play sa nasabing insidente. (Ulat ni Ellen Fernando)