4 WPD kinasuhan sa pangongotong at pambubugbog

Apat na pulis na nakatalaga sa Western Police District Station 4 Anti-Crime Unit ang nahaharap ngayon sa kasong Extortion at Physical Injuries matapos gulpihin ang isang tricycle driver kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Manila.

Nakilala ang apat na pulis na sina PO1 Melchor Bocoro, PO1 Gilbert Gomboc, PO1 Jonathan Ruiz at ang isa ay nakilala lamang sa apelyidong Soriano.

Batay sa reklamo ng biktimang si Enrique Salud, 30, isang tricycle driver ng 950 Bohol St., Balic-Balic na dakong alas-12:30 ng madaling-araw ay inaresto siya ng apat na pulis dahil sa pagsusugal sa panulukan ng Bohol St., at Visayas St.

Hindi naman umano siya nanlaban ng isakay sa isang owner type jeep.

Subalit sa loob ng sasakyan ay tinutukan siya ng baril at sabay tadyak sa kanya.

Hindi pa umano nasiyahan ang apat ay pinukpok pa siya ng flashlight sa ulo.

Matapos ang naturang insidente ay dinala siya ng apat sa naturang presinto kung saan hiningian siya ng halagang P1,500 upang hindi na siya makasuhan.

Nabatid na matapos niyang maibigay ang naturang halaga ay agad naman siyang pinakawalan ng apat. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments