Sinabi ni Anthony Ian Cruz, pangulo ng TXTPower, kakasuhan umano nila ang NTC dahil sa hindi nito pagtupad sa kapangyarihan nitong proteksiyunan ang mga consumers laban sa pagmamalabis at monopolya.
Base umano sa R.A. 7925 Section 26, meron umanong residual powers ang NTC na i-regulate ang telecommunication sector para hindi magkaroon ng monopolya o quasi-monopoly na nangangahulugang sabwatan ng mga cellphone companies.
Ang naturang batas rin umano ang nagsasaad na kailangang proteksiyunan ng NTC ang mga telecommunication consumer sa anumang pagmamalabis.
Malinaw na isinasagawa umano ng Smart at Globe ang quasi-monopoly dahil sa pareho at sabay nilang pagbawas sa kanilang free text allocations maging ang pagsingil nila ng malaki sa freetext di tulad ng sa rate ng ibang bansa.
Kasabay nito, inihayag rin ng TXTPower ang ikalawang linggo ng kanilang boycott sa Smart at Globe na nangangahulugang isang linggo na naman silang hindi gagamit ng kanilang cellphone at nanawagan sa iba pang subscribers na sumama sa kanila. (Ulat ni Danilo Garcia)