Makati parking fee increase sinuspinde

Ipinag-utos kahapon ni Makati Mayor Jejomar C. Binay sa board ng Makati parking authority ang kaagad na pulong upang pag-aralan ang ipinatutupad nitong parking fee increase sa Makati. Dahil dito ay pansamantalang nahinto ang pagtaas ng singil sa lahat ng parking place na sakop ng Makati Commercial Estate Authority.

Sinabi ni Binay na hanggang sa panahon na hindi nabibigyang paliwanag ng board ng MAPA ang panukalang dagdag sa singil sa parking ay mananatiling suspindido ang parking fee increase.

Niliwanag ni Binay na sa kabila na ang MAPA ay isang non-profit, private entity, ang pamahalaang lunsod ay mayroong moral na kapangyarihan upang gawing banayad at kontrolin ang gawain nito dahil hindi naiiwasan na naisasaalang-alang dito ang interes ng nakararami.

Sa bahagi naman ni Makati Vice Mayor Ernesto S. Mercado na handa rin ang konseho ng Makati na pag-aralan muli ang ordinansa na naglalayong magkaroon ng 15 % share sa parking fee collections ng MAPA kung ito man ang siyang gagamiting dahilan ng mga ito sa kanilang sinumiteng pagtaas sa singil sa parking fee.

Matatandaan na ang MAPA ay nagdisisyong magtaas ng parking fee at ipinatupad nitong unang araw ng taong 2002 dahil sa nabanggit na ordinansa . Dahil dito ay umalma si Vice Mayor Mercado at sinabing hindi makatarungan na ipasasa-publiko ang bigat na dala sa kanila ng ordinansa. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments