Maingay na pipi't bingi tinarakan ng kainuman

Dahil sa sobrang ingay at kakulitan, isang lalaki na bingi at pipi ang tinarakan ng patalim sa dibdib ng isa sa kanyang kainuman, kamakalawa sa Pasig City.

Nasa kritikal na kondisyon sa Rizal Medical Center ang biktimang si Amante Leynes, 30, binata, obrero, ng Sto. Niño St., Purok 3, Brgy. Pineda, Pasig City.

Pinaghahanap naman ang tumakas na suspect na nakilala lamang sa alyas "Intsik" dala ang patalim na kanyang ginamit sa insidente.

Sa ulat ni PO3 Efren Calix, may hawak ng kaso, magdamag umanong nag-iinuman ang biktima kasama ang ilang kalalakihan sa kanilang lugar at inabot ng alas-4 ng madaling-araw.

Dahil sa sobrang kalasingan, nabatid na naging sobrang makulit na umano ang biktima na nag-iingay kahit hindi makapagsalita.

Sa sobrang pagkapikon, binatukan ng suspek si Leynes. Hindi naman nagpatalo at kahit na may kapansanan ay nakipagsuntukan sa suspect na bumunot ng patalim at inundayan ng saksak ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments